Ngayon ay ang araw ng ika-118 na anibersaryo ni Rizal.
Hindi ko na kailangang ipabatid kung sino ba siya at ano ang
nagawa niya para sa atin. Nakakahiya naman na mas alam pa ng batang nasa
kindergarten si Rizal kaysa sa iyo; maski mga Pilipinong hindi nakapag-aral kilala
siya. Nakakadurog ng pagka-Pilipino ang nangyayaring katotohanan na ang mga Pinoy,
lalo na ang mga kabataan sa panahong ito ay mas kilala pa ang mga librong Wattpad
kaysa sa mga nobela ni Rizal na dinadaanan nila sa eskuwelahan ng maraming beses.
Sumubaybay ako sa radyo,telebisyon, diyaryo, at internet
para maki-usyoso sa nangyayaring okasyon ngayong araw. Ang resulta? Nakakalungkot,
nakakatakot, nakakabobo. Teka, ano nga bang balitangayongaraw? Pangungulit kay
Mayweather Jr. na labanan na si Pacquiao, ang nakakatawang resulta ng MMFF, kasalang
Dingdong-Marian—mapapatalon ka sa pinakatuktok ng Nakba
dahil sa pagkadismaya sa pinakaliteral na kahulugan.
May aaminin ako: late ko na ring nalaman ang halaga ni Rizal
hindi lang bilang isang bayani o Pilipino, kundi bilang isang tao.
Ikatlong taon ko na sa sekundaryang paaralan nang mamalayan ko ito. Hindi sa pagmamayabang ngunit masuwerte pa rin ako dahil na basa at
nalaman ko ang mga akda niya. Siyempre hindi mawawala ang pinaka-kadalasang isinasagot ng
madla na Noli Me Tangere (kung
saan iniulat ko sa aking mga kamag-aral ang ika-pitong kabanata, ‘Ang Bisperas ng Pista’)
at El Filibusterismo, na kung saan ay
gumanap akong Pare Camorra, ngunit inasar lang na manyakis dahil sa napaka-over acting
na gumanap na Huli.
Ang mga propesor ko na sina G. Wilfredo Tatad at Bb. April Joy
Robenta ang hindi ko masasabing nag-impluwensiya sa akin ngunit mas nagpaintindi sa
akin ng halaga ni Rizal at iba pang mga bayani sa Pilipinas, noon at ngayon.
Dahil sa kanila, nag-iba ang interes ko. Sayang nga lang, inilipat na sila. Pero
sana puwede pa silang bumalik.
Isa sa mga akda niyang may kurot sa aking damdamin ay ang Mi Ultimo Adios na isinulat niya noong
ika-29 ng Disyembre, 1896. Hindi dahil sa pinakahuli, pinakamahaba o
pinakamalalim, kundi pinakamalupit (tandaan: positibo na ang khulugan ng
salitang ito.) Ito ang kanyang ‘last will and testament’ hindi para sa akin,
sa iyo o sa kanila kundi sa ating lahat; kaya ang yaman natin sa kaalaman, may Rizal na
nag-iwan sa atin ng kaalaman, katangian at karunungan na hindi mananakaw ng iba.
Siya rin ang pinaka-epektib na deskripsyon ng multi-tasking.
Medyo nakakalito lang din minsan dahil sa kanyang pabagu-bagong interes sa gawain at
trabaho. Ito yata ang nagbunga ng kaisipan ukol sa ‘paghahanap ng sarili’ at
sa nangyari sa kanyang kapanahunan (na ngayon ay kasaysayan na), masasabi kong isa siya sa mga taong pumanaw na lang na hindi nakikilala
at nalalaman ang ‘tunay nilang pagkatao’ at kung ano talaga ang nakapagpapasaya sa kanila sa pananatili sa malupit na mundo, pero
walang masama dun.
Dun narin nagsimulang gustuhin kong maging katulad niya
(maliban sa hairstyle.) May magre-react diyan at yung iba, may impit pang
tawanan. Eh ano naman? Si Rizal ‘yan. Dahil malalim ang kakayahan ng pag-iisip,
ano namang masama dun? Punyeta kayo. Mahiya naman kayo sa taong namatay para
palayain tayo at ang buong bayan.
Siya rin dapat ang mas tinitingala sa lebel ng kung
anu-anong mga piksyunal na nilalang na tinatawag ninyong ‘extraordinaires’.
Oo wala siyang kapangyarihan, pero ang tinta at papel na ginamit niya ang nagbulalas ng
makapaminsalang mga salita na hindi aakalaing puwede rin pala gawin. Hindi ito matutumbasan
ng kahit anong kapangyarihan ng mga anime characters na kino-cosplay lang ng kung
sino-sino. Mas malakas ang pinsala nito: ang sugat, hilab, hapdi, o sakit nagagawan
ng gamot at napapagaling ng gamot. Ang salita nagmamarka,
mistulang libag na hindi matanggal sa katawan mo ano mang hilod ang gawin mo.
Noong hindi pa naimbento ang salitang ‘aktibismo’,
masyadong bobo at maliliit ang tingin sa Pilipino, na ang kakapal ng mukhang lumaban sa baril,
bomba at kanyon gamit lang ay libag. Ngunit sa tulong ni Rizal at ng
kanyang kasamang mga bayani, nakasigaw ang tinikom na bibig. Lahat ng dumi’y nailabas,
lahat ng baho’y nai-utot—kahit ang tirada ng mga dayuhan ay blow-by-blow, lumaban parin sila nang fire-by-fire.
At ano ang nangyari pagkatapos ng lahat?
Wala.
Mapapansin mong sa tuwing darating ang kanyang kaarawan,
iilang mga tao nalang ang magpapahalaga nito.Nawala narin ang mga tribute documentaries
na nagpapaalala sa atin sa ginawa niya sa ating bayan. Gayunpaman, marami pa ring mga
reporter at journalist ang gagawa ng Man-on-The-Street na survey
ukol sa pagkakakilala kay Rizal; marami ang makakasagot ng “hindi”, may
mangilan-ngilang tutugon ng “nakalimutan ko na eh”, subalit ang mas masakit sa lahat
ay kung may tumugon ng “artista ba siya?” Nalilito na ba tayo? Wag naman sana.
Pero mag-ilusyon muna tayo saglit: paano kaya kung si Rizal ay
nabubuhay pa? Paano kaya kung naabutan niya ang henerasyon ng mga “Millenials”, na
kung saan ay maraming “foodie’ at “food blogger” (kunsabagay,
alam naman nating matinik din si Rizal sa pagkain) kahit andaming nagugutom sa mundo?
Magse-selfie at groupie shot kaya siya kasama ang mga tropa niya gayong hindi naman sila camwhore?
Magbabasa kaya siya ng mga akdang bara-bara lang na ginawa kaysa sa The Moth and The Flame (Jose Rizal Centennial Commission, 1961) o The Wandering Jew ni Eugene Sue? Sasabihin niya rin kayang
‘walang forever’?
Sabihin mo na ang gusto mong sabihin pero mas astig pa si
Rizal, hindi niya kailangan ang malalanding dalagita o libu-libong tagahanga.
Mas astig pa siya kaysa kay… wag na nga. Habang buhay natin siyang pag-aaralan at
hindi dapat iwaglit sa ating mga isipan, sabihin mang na-isyu ang kanyang spiritual beliefs at babaero siya.
Sa madaling salita, parte na siya ng kasaysayan, na hindi mo matatakasan. Mas masarap
pa ring magbalik-tanaw.
Hindi na kailangan ang dami ng likes, views, comments,
shares, re-tweets o favorites upang matukoy ang papel niya sa ating lipunan. Hindi
siya nagsulat, para lamang sumikat o magpasikat,
kundi upang magpaalam na siya’y tao rin kagaya natin, na ang mga nagawa niya’y kaya at
dapat din nating gawin.
Kaya ikaw Marcelo Santos III, tumahimik ka. □
(IsinulatsaganapnaMiyerkules,
ika- 31 ng Disyembre, 2014, 12:15 ng umaga)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento