Linggo, Nobyembre 2, 2014

Soul in a Bottle: Ang Aking Punyetang Talambuhay

***************************************************

Naiinis ako pag pinapasulat kami sa klase ng talambuhay. Hindi naman galit pero wala naman kasing ‘highlights’ ang buhay ko. Para lang ‘yun sa mga artista, pulitiko, atleta, bayani, negosyante at mga kilalang personalidad. Mga prominenteng tao. Para lang ‘yun sa maraming naiambag sa lipunan, o kaya sa mga inaambagan ng lipunan.

Hindi ko rin alam bakit ito pinapagawa sa eskwelahan. Kaya siguro yung iba nagiging sabaw, yumayabang ng wala sa oras. Tumatanda nang paurong, ika nga ng tatay ko. Dumadami ang nagmamarunong na hindi rin naman nagtatanong, at hindi rin nakikinig. Siguro kasalanan din ito ng teknolohiya? Tamad na nga tayo, bumabaw pa ang mga pag-iisip natin. Pero masyado nang malawak ‘yun kung pagtataluhan pa natin.

Hamon din sa akin ang pagsulat ng sarili kong talambuhay dahil wala naman akong achievement sa buong buhay ko. Importante kasi ‘yun sa ganitong sulatin. ‘Para naman may katuturan’, sabi ng ilang mga mambabasa. Para naman may saysay ang karera mo sa mundong ito, ‘di ba? Awards, recognition, career achievements, mga ganun. Wala naman ako nun. kung meron man ay ‘yung nakapag-aral ako at dun nalang tumanda ng husto. Bukod dun? wala na. Hayaan na nga natin.

Magsimula tayo sa pag-aaral ko. 2001 (7 years old lang ako nun), una akong pumasok ng eskwelahan. Payatas A. Elementary School. Ayos naman. Medyo natatakot ng kontisa nagllistahan ng maiingay, at Math. Nag-aral, kumain, naglaro, nagka-crush, sinundo, na-bully, nag-enjoy—gawain ng isang ordinaryong bata. Wala namang masyadong problema bukod sa sundo, at Math parin. Ganun lang hanggang 2006 (12 years old na), napapasama sa top 10 sa mga klase pero hindi naman malaking achievement ‘yun. Pag nakakasingit ako sa pang-apat, may humihirit pa ng ’bakit di pa ‘yung 1st?”

2007, Batasan Hills National High School. Medyo lumevel-up ng konti. Medyo nakaka-gets na sa buhay. Mas maraming naging kaibigan—hindi ko na iisa-isahin, kilala n’yo na kung sino kayo. As usual, hindi naman mabigat ang mga nagiging suliranin, bukod sa mga singilan sa paaralan ng kung anu-ano, at babae. Dito rin ako nag-attempt na manligaw, kaso puro mga ideyang sablay.

Medyo nakaramdam din ako ng galit, kasi tulad ng iba, naging biktima rin ako ng bullying. Lalo na sa hairline ko. Eh anong magagwa nila, yun ang bigay ng Diyos Ama sa akin? Kala mo kung sinong mga punyeta. Mabuti nalang at may mga kapintasan rin sila kaya nakakabawi rin ako. Lagi akong tinatawanan noon pag umuuwi sa bahay nang nakasumbrero, matakpan lang ang uka sa bandang patilya patungo sa likuran. Dahil doon, bumaba ang self-esteem ko. Pinatay muna nila ako sa hiya bago maka-graduate. Para akong nagself-immolate.

2011, nasa kolehiyo na ako. Hindi ko na sasabihin kung saan at ano. Maraming mga naging kaibigan. InfoTech ang course ko nun. Putek, hindi rin ako tumagal sa mga kadahilanang:

● Low self-esteem epekto nung high school

●Mahal ang tuition, kinaya naman nung una kaso NO PERMIT, NO EXAM. Hassle pa pag hindi mo na-take yung mga exams dahil sa balance, gagaguhin ka muna ng mga staff bago ka maka-take, o bago maka-enroll.

●Pag irregular student ka, sila na ang pumipili ng schedules mo, mapunan lang yung kailangang units sa bawat semester. Bahala ka na kung maiipit yung mga oras mo. Lalo na pag working student ka.

●Internet fee. Alam ko nakakatawang isingit yun para sa inyo. Pero bilang isang IT student, kailangan mo rin ang internet bilang source of information bukod sa mga libro. Lilinawin ko, P500 din yun, ‘tol. Google nga lang, ayaw pa ipagamit?  Ganyan ba kayo ka-desperadong baka mag-Facebook at mag-TubePleasure ang mga estudyante n’yo? Hindi naman siguro.

●May nangmamatang prof at estudyante (hindi ko na ppangalanan kkung sino siya o sila.)

Mid-2012, umalis muna ako sa eksena, nagpalamig. Layo muna sa nakakamatay sa pagod na enrollment at sistema ng dati kong eskwelahang pinapasukan. The same year, nagpasya akong umalis na nang tuluyan. Bumalik man kasi ako baka mawala nalang ako bigla sa mundong ito, nabasag na nga ako sa pressure, hindi ko pa namalayan. Natawa nalang ako dahil kahit pa-exit na ako, ginagago parin nila ako, at ‘yung ilan kong mga kaibigan dun na nagpasya naring lumipat. Yung Dean nga hindi ako pinahirapang matapos yung exit form ko tapos ‘yung Office of The Student Affairs (OSA), Guidance Office, Cashier, at mga Faculty Members, nag-iinaso pa?

2013, nag-register at nag-enroll ako sa National College of Business and Arts (NCBA) o pinalayawang Nakba. Unang sem ko, siyempre kabado. Unaware pa sa environment, naninibago pa. Pero next sems, nasanay na rin ako. Mababait din naman ‘yung mga propesor. Hindi nagtataas ng tuition fees, ma-delay ka manmay exams ka pa rin. I-take mo pa rin dapat. Pag enrollment, sa mga irreg, malaya ang mga estudyanteng pumili ng schedules nila, may required units pero hindi naman sila hawak sa leeg. Walang masyadong pressure. Tinaggap nila ako sa kung paano ako—sa dati kong eskwelahang pinapasukan, halos i-persona non grata nila ako, pero dito sa Nakba, kabaligtaran. Kaya nagpapasalamat ako sa mga NCBA-ians, mula sa mga propesor/faculty members, sa OSA, Guidance, Registrar, Janitors, hanggang sa mga estudyante.

Medyo okey naman ang mga subjects, kahit may tatlong Math sa course ko, okey lang din naman. Siyempre, nagkaroon ng mas malawak na network of friends at dalagang nagpaibig sa akin. Hindi ko na babanggitn kung sino siya pero Jorelyn Cabug, 5-2-5-4 , Cupcake ko.

Maiba naman tayo.

Bukod sa eskwela, nagsusulat, nagdo-drowing, nagpipinta (pag may nag-aya), nagbuo ng banda. Hindi ko rin masasabing raket ang mga ginagawa ko, mahal ko lang talaga. Sa pagsusulat, wala akong sinalihan o kinbilangang mga creative writing workshops o institutions, kaya natatakot parin ako dahil maaari pa rin akong magkamali sa anumang aspekto. Hindi naman ako eksperto.

Nagtatrabaho ang ermats ko bilang isang Food Service Worker sa isang hospital dito sa Quezon City, at hindi ako nadya-dyaheng sabihing siya ang breadwinner sa amin. Yung erpats ko kasi, tumanda nalang na hindi parin mahanap yung dedikasyon niya sa trabaho niya. Sa panahon ngayon, masasabi kong ang dami ring nagkakaganyan. Yung kapatid ko naman, grad na, ComSci, naghahanap na. Proud naman ako sa kanila.
Hindi ko na alam kung ano ang pwedeng isunod dito, kaya ibabahagi ko nalang ang mga aral na para sa akin, hindi lang sa eskwelahan mapupulot. Bukod dun, wala itong Math.

●Mahalin mo at maging totoo ka sa ginagawa mo. Wag kang manatili sa trabaho o gawain na hindi mo naman isasapuso. Pera? Siguro, pero bonus nalang ‘yan. Walang katuturan ang walang pinaghuhugutan.

●Magpakatotoo ka sa sarili mo. Wag kang gumawa ng ayaw mo dahil gusto lang ng ibang tao. Yun yata yung tinatawag na “guilty pleasure” (o mali ako).  Tao ka, hindi ka puppet. Kung wala ka rin namang ginagawang masama at tinatapakan, tapikin mo lang. Pero alamin mo rin kung nasa mataas o mababang antas ang paglabag mo, kung sobra ba o kulang. Nakakasama rin kasi ang dalawang ‘yan minsan.

●Wag magsabi ng problema, liban na lang kung mapagkakatiwalaan ba talaga ang pagsasabihan mo at hindi ka itutulak pababa.

●Wag matakot magsabi ng opinyon. Malaki ang pagkakaiba ng nangangatwiran sa bastos. Hindi ibig sabihin na nangangatwiran, wala ka nang ugali. Ang opinyon ay para sa kahit sino, mayaman ka man o mahirap, gwapo man o panget, may ngipin man o wala. Pero isipin din kung may katututran ba ang opinyon mo.

●Wag manlalandi kung magpupumilit kang mag-ingles kahit maling-mali ang grammar. Seryoso.

●Dapat tanggalin ang mga palabas sa telebisyon na puro mga mag-asawang naghihiwalay dahil sa pangangaliwa. Kaya andaming gumagaya , mga nasisisrang pamilya. Puro kasi kayo pera, pera, pera!

●Balewala ang pagiging matalino kung di ka rin marunong making at magtanong. Hindi lagi ikaw ang pakikinggan, dapat marunong ka ring makinig. Kumbaga sa debate, hindi ka epektib sa batuhan ng mga ideya.

●Pag sinitsitan o sinipulan ka, wag kang lilingon. Tandaan: may pangalan ka. Tao ka, hindi ka aso. Shet sila.  

●Hindi porke’t maraming niligawan, babaero na. Bakit, sinagot ba? Naging mag-nobyo’t nobya ba? Paano kung binasted kami? Paano kung na-mercy reject kami? May puso rin kaming mga lalaki. Marurupok rin kami.

●”Hindi lahat ng bagay nakukuha sa isang tingin, buksan ang ating isipan.” Natutunan ko ito sa isang patalastas sa telebisyon. May isang lalaking muslim ang pinagtitinginan ng mga tao. Nakasandal siya sa kanyang motor, parang may hinihintay, at nagte-text. Iniisip ng mga taong dumadaan sa kanya, ‘masamang tao’, ‘rebelde’. Pero ilang segundo lang ang lumipas, dumating na ang anak niyang sinusundo na niya at pinakitaan pa siya ng mataas na marka. Sana ganun din sa reyalidad ng buhay— hindi tayo pinuputakte ng stereotypes. Luma na ang “don’t judge a book by its cover”, mas angkop yata ‘yung “know yourself first.” Ang mga magaganda sa paningin ay siyang may kahindik-hindik na lihim.

●Wag ipapaaresto ang sarili lalo na kung wala kang kasalanan. □





(Isinulat sa ganap na ika-22 ng Oktubre, 09:09 ng gabi)


Miyerkules, Setyembre 24, 2014

Kamikazee: Long Time na Romantikong Mahaharot

(photo courtesy of opm-musics.blogspot.com)
(Written February 15, 2014, Saturday, 03:12 pm)

                                                         **********************************************
First time ako susulat ukol sa banda.

Hindi ako nagbibiro pag sinabi kong isa ang Kamikazee sa paborito kong banda.

Seryoso nga mga disipulo. Idol ko si Jay [Contreras] bukod kay Jeff Hardy, Kurt Cobain, Ian Tayao, Lourd de Veyra, Joey de Leon at Gabby Alipe . Hindi sa tato, sa dating pagkahaba-haba ng buhok, o lakas ng appeal sa mga chicks. Kundi sa mga walang kupas na komedya sa mga tugtugan at mga ‘overcharged performances’. Saktong Kamikazee, parang ‘suicidal’ ang dating (pero ang suicidal talaga na bandang alam ko dito nun eh Queso.) “Erratic” daw sabi ng isang kaibigan kong babae—napakamapanghusga naman ng salitang yun. Sa palagay ko, dapat siguro “remarkable”, dahil ang bokalista ng nasabing banda ay epektib ring love advisor (syempre, ako lang ang may sabi nun) hindi mo maitatangging may tama ang mga mala-pangtelenobela nyang mga linya tulad ng “Kayong mga lalake, wag kayong magpapagamit sa mga babae dahil hindi kayo kasangkapan. At sa mga babae naman, alam naming masarap kaming paglaruan ngunit sana’y maisip nyong may damdamin din kaming nasasaktan”. O kaya  “Mahalin nyo ang mga boyfriend/girlfriend nyo, kasi  pag nawala ang mga ‘yan, duon nyo lang sila mamimiss” bago tugtugin ang ‘Halik’. Move over, Papa Jack at DJ Chacha.

2000 mula sa UP Fine Arts nabuo ang Kamikazee (6 years old lang ako nun.) Binubuo nina Jay Contreras,  Jomal Linao, Led Zeppelin Tuyay, Allan “Bords” Burdeos, at Jason “Puto” Astete. Actually, may isa pa talaga silang bokalista, yun nga lang, mga 2001 yata, nagpaalam din. Tulad ng kinukwento nila madalas, Boyband tapos naging  Kamikazee Cornflakes ang pangalan ng banda na naging Kamikazee nalang dahil sa palagi nilang nakakalimutan ang pangalan ng grupo nila (ganun talaga pag nagkakaedad, sign of aging yan.) Patugtug-tugtog lang nung una, nung tumagal sa tulong ng tropa nilang si Ocho Toleran ng Cheese, naireto sila sa Warner Music na nagtala sa kanilang self-titled debut album. Sa isang kwento nila sa PULP Magazine year 2009, “Nung nag-start naman kami eh wala naman kaming original talaga eh, kaya lang kami nagsulat kasi nga nung bigla kaming kinuha ng Warner dun palang kami nagsimula. Nagsign na kami, wala pa kaming original na kanta. (Parang)‘Uy, kailangan nating gumawa ng original kasi ang boga naman kung first album namin panay cover lang”, paliwanag ni Jay. Pero nung pinakinggan ko yung mga kanta, okey naman eh. Hindi naman tunog minadali. Mas gugustuhin ko ito kesa sa mga kumakanta nalang para tilian ng madaming babae tuwing guesting sa TV at mall shows; kulang nalang tumakbo sila sa halalan.
Di rin naman sila tumagal sa Warner, ang tsika nila eh parang wala daw plano pero nagtuluy-tuloy lang sila sa pagtugtog hanggang nag-audition sila sa Universal Records (sa tulong rin ng isa nilang solid na katropang si Chito Miranda) kung saan nakagawa sila ng 3 albums , hanggang ngayon hindi parin bumitaw sa kanila.

Una ko silang napanood nung guesting nila sa Unang Hirit sa GMA7 nung 2005 yata yun? Punyeta, hindi naman ako maaaresto kung sablay ang tantiya ko sa timeline eh. Hindi pa masyado long-haired si Jay, hindi pa ma-tato ang kanilang mga katawan, at mukhang seryosong mga tao nung nakita ko sa TV. Pinerform nila yung “Chiksilog” na kasama sa compilation album ng LevelUp! Games, ang Rok On! (Nakakalungkot nga lang din pero meron pa bang LevelUp ngayon? Parang hindi ko na ramdam eh.) As usual, hindi pinatapos nung show yung performance kasi nagpatalastas nanaman. Naiintindihan ko ang side ng mga commercial para isingit yun sa segment ng programa, pero iba yung entertainment sa negosyo. Insulto yun sa mga nanonood sa tahanan at nageenjoy dun sa performance ng banda, kahit sabihing sa TV lang. Pero hindi na natin yun palalakihin, tutal mayaman narin naman sila ngayon eh at hindi na rin baguhan sa eksena.

Tulad ng nabanggit, nakapagrelease sila ng 4 na studio albums.
o    Kamikazee (2002, Warner Music Philippines) - debut album,  astig ang artwork sa cover. Ang album na nilabasan ng mga kantang “Tsinelas”, “Rocky Jr.”, mga cover nila ng “Lucky” ni Britney Spears at “Sana Kahit Minsan” ni Ariel Rivera. At siyempre, pinakagusto ko dito yung “Girlfriend”; kung hindi ako nagkakamali, ito lang ang kantang ingles na ginawa ng ‘kazee. Pero walang masama dun ah. At least, makabayan parin sila.
o    Maharot (2006, Universal Records) – 1st album nila sa UR. Eto rin ang pinaka-‘highlight’ sa discography nila, humampas sila sa mainstream sa mga kantang “Martyr Nyebera”, “Ambisyoso”, “Seksi Seksi’ , ang “Narda’ na naging hit lalo nang ginamit sa isang fantaserye sa GMA7 na pinagbidahan ni Angel Locsin, at madami pa. The same year, if I’m not probably mistaken, yun din yung taon na ni-release nila ang rendition nila ng Doo Bi Doo” sa tribute album para sa Apo Hiking Scoiety.
o    Long Time Noisy (2009, Universal Records) – “hindi daw masyado bumenta”, pabirong hirit sa kanilang official Facebook fanpage.  Nakakalungkot isiping maaaring tama pero sa isang banda nakakadismaya, kasi overshadowed na ang OPM ng Kpop nung taong ‘yun. Nakakapanghinayang  kasi ang dami nilang magagandang kanta dun na meron ding katuturan, na pwede ring gawing singles eh. Dahil ba sa maingay tulad ng kantang “Chismosa”, “Eschoos Me” at “Lalandiin”? Malamang, kaya nga may noisy sa pamagat eh. Kung ayaw mo pakinggan eh di ‘wag. Wala akong pakialam.
o    Romantico (2012, Universal Records) – tulad nung pamagat,mas sumimple, mas lumambot at  hindi sya ganun kaingay kagaya nung last album (liban nalang sa “Wo-Oh”  na nakakarelate ako kasi pangit ako eh, at cover ng “If You’re Not Here” ng Menudo kung kasama si Chris Padilla at Steve Badiola na bumabanat.) Excellent collaboratons with Kyla on “Huling Sayaw”, Choko Abejo of Concrete Sam on “Tamis” which is a CS original; Chris Padilla of HIlera and of course, Steve Badiola of Typecast on “If You’re Not Here”.

Kahapon, Valentine’s Day, 46th Anniversary ng school namin. Syempre, campus gig ‘yun. Ibang-iba kumpara sa annual PULP Summerslam at Tanduay Rhum Rockfest na may inuman, at may moshpits. Natawa ako, mas marami pang naitugtog nung mga local bands ng eskwelahan namin kesa sa main event;  hindi ko trip yung mga banda kaya hindi ko narin pinakinggan liban nalang dun sa Tupa ni Ada (sempre hot ung vocalist eh) at dun sa isang banda na tumugtog bago ang Kamikazee. Nakalimutan ko na ang pangalan ng bandang ‘yun pero natuwa ako kasi tumugtog sila ng originals nila mismo. Tumugtog ang ‘kazee. 6 songs lang ang nabanatan nila dahil di kasya ‘yung oras para sa isa pa nilang gig (sa ParaĊˆaque yata 'yun), tapos medyo na-delay ng konti dahil yata sa mabigat na trapik. Hindi na kami nakapagpa-piktyur o nakapagpa-autograph after nung show dahil pinasakay sila agad sa kotse. Bitin pero ok parin.

Marami akong mga kaklase dati na pag nagkakakwentuhan ng mga banda, pag may bumanggit ng Kamikazee, sinasabi manyak daw, bastos daw dahil sa kanta nilang funk/reggae ditty na “Vagina” (na may linyang “Vagina, I hope you like vagina too; Vagina…”). At bakit? Dahil laging may mga tsiks na humahalik sa boklista t’wing tugtugan? Dahil mahalay sumayaw si Jay? Dahil binabanggit palagi sina Manny Pacquiao, Lady Gaga at Justin Gayber  ni Jay (at nung apat din minsan) sa mga kulitan nila? Motherfounders na mga maarteng kritiko. Akala naman nila mas maganda kung One na No Direction o Chicser ang gagawa nun. baka nga batuhin pa yun ng bomba ng mga manonood eh.

Speaking of green jokes at comedy, syempre,  dahil  idol ko nga si Jay at yung apat pa, eto ang ilan sa mga malulupit na linya na nagmula sa kanila (pasensya na , kung karamihan ay kay Jay mismo, dahil yung apat eh di naman masyado madaldal pag nasa stage o backstage), hanapin mo man sa YouTube o Google, o kung pwede, itanong mo pa sa kanya, sa mga kaibigan nya o kaya kay Travis Kraft. Kung kayo’y nababastusan na, takpan nyo na lang ang inyong mga mata.

1.       “Suportahan nyo yung album ni Gloc 9 yung MKNM, Mga Kwento ng Makata. Yung Parokya, Inuman Sessions Vol.2, out na, pero sana suportahan nyo rin yung album namin, iboto nyo yung ‘Huling Sayaw’ tangina kelangang-kelangan namin ang pera nyo; mayamang- mayaman na ang Parokya ni Edgar, mayamang-mayaman narin si Gloc 9, kami sakto lang.”- Jay, habang iniimpersonate si Gloc 9
2.       “Wag nyong kinahihiya ang vagina, yan ay isang creation ni God. Lahat tayo dyan galing."
Kung di ka galing sa p***, di ka tao, kung galing ka sa pwet, tae ka. Anumang mangyari babalik at babalik ka kung sa’n ka nanggaling; tingnan nyo ‘ko ang laki-laki ko na pero bumabalik parin ako sa p***.”


(Itutuloy…)

Tamang Panahon

Tamang Panahon
(isinulat ni Anthonny Yabut)

************************************************
Ano pa ba’ng dapat pag-usapan? Halos lahat na ng mga bagay-bagay na puwedeng  diskursuhin eh nababasa na sa internet o sa mga diyaryo, napapakinggan sa radyo, nakikita sa telebisyon, at kung anu-ano pang bunga ng sibilisasyon. Mabilis nga talaga ang biyahe ng dyip; kung di ka sasakay dito kahit angkas lang, sori ka nalang, maiiwan ka talaga.
“Ang buhay ay parang isang pelikula”,  ika nga sa kasabihan. Hindi ko talaga ma-gets yung kabuluhan ng kasabihang ito. Malabo kasing maikumpara ang buhay sa isang pelikula eh (bakit, ang buhay ba may scriptwriter? cameraman? make-up artist? utility? lights at audiomen? Wala, diba?), pero hindi ko na yun pahahabain pa, gugulo lang lalo ‘tong takdang-aralin ko. Magulo na nga eh.
Tutal nabanggit ko narin ang salitang ‘pelikula’, eto ang pag-usapan natin,, ang independent films, o para sa mas maikling katawagan, “indie”. Siguro nagtataka kayo bakit hindi yung mainstream’ o yung mas commercialized (parang yung My Little Bossings nung nakaraang pasko na puro lamang cough syrup, pancit canton, sabong panlaba ang itinakbo ng kuwento.) wag na kayong umangal, wala na kayong choice, hindi rin naman kayo kikita kung magiging choosy pa kayo.
Tulad ng sandamakmak na Pilipinong nagkukumahog sa araw –araw na buhay, hindi ako masyado nagkakaroon ng oras manood ng pelikula, (mas lalo na yung sa mga sinehan sa mga malls at kung makikita mo ang mga pinapalabas nila, baka maintindihan mo rin), kung makanood man, tsambahan nalang. Sa pagkakatanda ko, ang huling pelikula na napanood ko ay Scorpio Nights, ay hindi pala (pasensya na, wag nyo ako babatuhin ng kamatis ah.) Dahilan kung bakit pinangarap kong makapasok sa IAFT (International Academy of Film and Television) Filmschool, makagawa ng makabuluhang pelikula, at makadalo sa Cannes Film Festival noong bata palang ako. Syempre, hanggang pangarap lang ‘yun.
Pero bumalik tayo sa ‘indie’. Kung ang mainstream cinema sa ‘Pinas eh, kinakain lang ng mga endorsements, nababalutan ng ka-sosyalan ni Anne Curtis at masasakit na mga biro ni Vice Ganda, ibahin mo ang eksenang ito., hindi ito papalag sa mga pelikulang tumatakbo lamang ng 1 at kalahating oras at ginawa lang na nasanay sa parehong pormula— (i.e. kabit vs. legal na asawa, napaka-karaniwan na ‘di ba? Kaya andaming mag-aasawa ang hindi man lang umaabot ng 2 years, hiwalay na agad. bumubunga lamang ng di-magandang epekto sa mga nagsumpaan at kinasal sa simbahan at sa harap ng altar.) Gayunpaman, marami pa rin namang mainstream movies na makapagpapasaya ng puso o kukurot sa damdamin at isip ng mga tao. Eto ngayon ang problema: hindi yun bebenta.  Wala akong kontra sa mga pelikula ng GMA Films, Star Cinema, Regal, VIVA, Seiko (teka, wala na pala yun)  at kung anu-ano pa. Alam kong hindi rin madali gumawa ng pelikula  hindi rin madali mag-produce, trabaho rin yan eh; hindi pala trabaho, negosyo. Pero may pagkakaiba parin ang negosyo sa page-entertain sa tao.
Hindi ako direktor o kritiko pero nakakasama rin pala ng loob na tinatawag na “low-budget” ang mga ganitong pelikula, mas angkop ata ‘yung katawagang “D.I.Y. (Do-It-Yourself)”, at “underground”  kasi kahit sabihing hindi pulido ang mga kamerang ginamit (yung iba nga handheld lang eh), solid parin yung finished product. Mas lalo namang nakakadismaya yung sabihing tungkol lang sa kahirapan ng pinoy, basura, gay-oriented at ang pinakamasakit sa lahat na ang indie films daw ay puro lamang slum areas. Pero sa kabila ng mga masasakit na punang ‘yun, humahampas pa rin ang independent cinema; ayaw mo maniwala? Manood ka ng mga film entries sa Cinemalaya Film Festival, o kaya i-Google mo.   
Ika nga ng beteranong aktor na si John Arcilla, na nakilala sa pagganap kay Virgilio Delos Reyes sa pelikulang Compound noong 2006, (Kung tatanungin nyo ako kung tungkol saan ang kwento, basta inspired sya sa pagbomba sa isang mall sa EDSA nung taong ‘yun at pagkakakulong ni Dennis Roldan noong 2004 ,ayon sa direktor na si Will Fredo. In short, puro kidnapan at mga terorista) “Sana mas maging matalino na ang audience para wala nang pumatok na panoorin na hindi naman nakakadagdag sa kamalayan at pagtalino ng tao para harapin ang totoong buhay”, oo nga naman.  “Yung influence kasi ng Western culture eh malakas na mas gugustuhin ng mga taong manood nalang ng foreign films kesa manood ng sariling atin.”, dagdag ni Will Fredo, isa sa mga founder ng HUBO Productions, isang independent filming production team na naglabas ng mga malalalim pero ‘hard-hitting’ na mga produkto gaya ng Compound, Il Nomine Matris, at ang melodramatic na sa Pagdapo ng Mariposa (The Caregiver).
Ang sitwasyon kasi ng film industry natin, pati narin ang art, literature, print, at record industry ay parang tortang talong na hindi na-torta dahil sa ginagalaw imbes na hayaan lang hanggang sa maluto nang buo sa kawali. Ang resulta? Durug-durog nang naluto; yung iba, dumikit sa kawali, yung iba naman kalat-kalat kainin, nasunog pa, pero iisa lang din naman ang pinanggalingan nun. At ang masaklap, wala nang ingredients na pangluto pag nabitin.
Mahirap gumawa ng isang indie film. Lalo na kung hindi kumpleto ang kagamitan mo at kulang ang tao na magsisilbing ‘crew’ sa set. Hindi rin ganun kasigurado ang isyung pinansyal, uulitin ko: wala ‘tong segwey-segwey ng kung anu-anong produkto. (Yung Ang Babae sa Septic Tank, Kimi Dora, at Here Comes The Bride na sinasabing independent, katarantaduhan ‘yun. Mas mako-consider mo pa yung Six Degrees of Separtion from Lilia Cuntapay at Bwakaw kesa dyan sa tatlo.) Maski sina Peque Gallaga, Lino Brocka, at Brillante Mendoza, ay dumaan din sa puntong ‘yan.
Sa ibang dako naman, ang idol ko at lav na lav kong si Lav Diaz— na ngayon mas humataw pa sa pelikulang Mula Sa Kung Anong Meron Noon (na umabot sa anim na oras, isa sa mga elemento para manalo ng Golden Leopard Award sa Locarno International Film Festival) ay kilala sa kanyang eksperimental na estilo. “Malaya ako. Malaya ang mga pelikula ko. Pinapalaya ko ang mga ‘yan. Ang pelikula ang nagpapalaya sa atin. Hindi ako preso ng mga dalawa o isa’t kalahating oras na pelikula. ang pagkahon ng mga gawa ko sa bentahang industriya ay isang kahibangan. “ ilan lang sa mga prangka nyang hirit sa isang interbyu sa pahayagan.
Dahil indies narin ang pinag-uusapan natin, narito ang mga iilang tato ng independent filming, base sa pagkakaobserba ko:
·         Malalalim na dialogues o mas malalalim na idiomatic expressions- yun ang isa pang appeal ng indie. Para ipamulat ang isipan ng direktor at mga artista, na dapat ay malalim mag-isip dahil ang art ay malalim. Wag nyo itong irerekomenda sa mainstream, magiging over-acting ang dating. Nagmumukhang “artsy fartsy”, ika nga ni Joel Torre.
·         Prostitute. O para maka-Pilipinong dating, pokpok. Ano nga ba ang silbi ng mga tsiks sa nasabing pelikula? Syempre, pampainit ng mga eksena para sa mga mahihilig na lalaki, ‘kahirapan nga ng pinoy di ba’? iba lang ttalaga siguro and dating ng isang pelikula pag maraming tsiks. Syempre, kung merong prosti, meron ding…
·         Call boy. Male counterpart ng prosti, yan ang indie cinema, na natutuloy sa…
·         Gay scenes. Importanteng may “gay element”. Eto ang pinaka-trend ng indie films sa market, lalo na dito sa Pilipinas. Pag eto’ng ginawqa mo, tiyak na bawing-bawi ang lahat ng gastos mo, tanungin mo pa si (bleep). Ewan ko rin kung bakit. Siguro kasalanan ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros..
·         Love scenes (o bed scenes, angal nung propesor ko). O mga mas malalim pang mga eksena, ayoko nang dagdagan, baka banatan ako ng mga taga-MTRCB.
·         Taong grasa. Depende sa kuwento, da best sa role na ito si Lou Veloso at Ronnie Lazaro--- pano maging taong grasa? Sa turo ng idol kong si bayaw Jun [Sabayton, Jr.], carbon paper at mantika, o tubig lang ang kailangan.
·         Subtitles. Para naiintindihan rin ng mga manonood, sakaling makapasok sa international scene.
·         Amateur handheld camera. Uy, hindi naman lahat. Kung tipong pang- documentary at thesis films lang, siguro.  Tulad ng “The Gap” ni Karl Porio para sa IAFT Filmschool, da best yun (pero hindi nga lang handheld ang gamit, full set nga yata.)
·         Di-kilalang personalidad. Kadalasan. “Raw Talent”, ika nga. Kung mga taga-teatro, pwede rin. Pero, sinasamahan parin ng iilang mga beteranong aktor at aktres para tumatak sa isang pelikula, lalo na kung baguhan din ang gaganap na bida.
·         Slum areas. Para realistic ang dating ng set. “Pornography of poverty” o “poverty porn”, ika nga. Kung kahirapan lang din ng pinoy, ang ibabansag, ito ang magsisilbing naglalagay ng ‘reyalidad’ sa isang indie film..
·         Cameos. Pinakapaborito kong indie ay yung “Rakenrol” ni Quark Henares, mga aktwal na bandista ang nag-cameo tulad nina Mikey Amistoso (Ciudad), Diego Castillo (Sandwich), Mong Alcaraz (Chicosci, Sandwich), at iba pang magagaling na banda kagaya ng Urbandub..
Dagdag lang: eto naman ang mga ikinatataka ko sa iilang mga ugali ng mga ganitong pelikula (o sige isama narin natin ang mainstream para lahat na.)
·         Bakit sa mga bed scenes, may nagyo-yosi pagkatapos mag-anuhan? Okey lang kahit wag nyo na sagutin, baka mabasa ‘to ni Atty. Eugenio Villareal.
·         Yung mga goons (sa mga dating pelikula), balut na balot ng jacket kahit ang init-init? Tapos may tali pa sa ulo. Samantalang mga goons sa foreign films, naka-corporate attire pa, papatay lang yun ha. “Dress to kill” talaga.
·         Bakit yung mga pulis, kapag may namatay na importanteng karakter o yung bida mismo, saka lang dadating? Uso na ang trapik nun, ‘tol. Idagdag pa dyan sigaw ng ‘ napapaligiran ka na namin’. Magkakabarilan, pero buhay parin yung salarin.
·         Bakit yung karamihan sa mga ganitong pelikula, maraming eksenang nakatunganga lang ng ilang oras at parang malayo ang tinatanaw? Syempre, di mawawala ‘yon. Yun ang nagpapakita ng perspektibo ng isang tao sa buhay nya.
·         Yung eksenang hahantong na sa bed scene, bakit gumagala yung kamera? Ba’t ayaw nilang i-dissolve nalang yung scene, kung hindi naman ipapakita? Pasensya na po, MTRCB, last na po talaga.
·         Bakit nakatitig lang yung mga artista ng ilang oras na wala namang ginagawa? “Punyeta, pa’no tayo mananalo ng Cannes nyan?”
·         Bakit yung mga independent films, yun pa yung humahampas sa international scene? Hindi na ‘yan kailangan pang ipaliwanag, gets nyo na.
Tulad nga ng sinabi ko kanina, mahirap gumawa ng pelikula, mainstream man o indie, matrabaho talaga ‘yan; pero kung mahirap ang gumawa, mas mahirap naman ang manood, kasi sila ang magiging basehan kung maganda ba o hindi ang ginawa ng isang direktor. Pero kung gusto nyo talaga, may paraan naman. Lalo na sa panahon ngayon, may teknolohiya na. Si Hayden Kho nga nakagawa ng pelikula gamit lang ang cellphone eh. Ay, iba pala ‘yun.
Bilang sumatotal nito, hindi ko sinasabing bulok na ang daloy ng pelikulang Pilipino, hindi ko rin nirerekomendang gumawa kayo ng pelikulang isang tao lang ang makakarelate, o pelikulang masusuka ka muna bago matae sa sobrang lalim; kundi may nagagawa ang independent films sa pag-angat ng sining natin. Ito ay mga  pelikulang maipagmamalaki ng bansa sa kultura at estetiko. Na ito ay higit pa sa kahirapan, pamamakla, at pagtitig sa kawalan ng ilang oras na parang mga nakaka-depress na documentaries sa TV. Na ito ay mga pelikulang may puso.
Pero anuman ang mangyari, nasa hilig parin ng tao ‘yan. Kanya-kanya paring panlasa ‘yan. Maniniwala ka nalang na madami pang magagandang kwento ang nakatago. Ang tanong dyan: sa’n mo hahanapin?

Kaya sa mga gustong gumawa ng indie film. Gawa na. Direk????

(Cut!!!!!) □








(Isinulat sa ganap na Ika- 10 ng Setyembre 2014, Miyerkules, sa oras na 7:52 ng gabi)