Miyerkules, Setyembre 24, 2014

Tamang Panahon

Tamang Panahon
(isinulat ni Anthonny Yabut)

************************************************
Ano pa ba’ng dapat pag-usapan? Halos lahat na ng mga bagay-bagay na puwedeng  diskursuhin eh nababasa na sa internet o sa mga diyaryo, napapakinggan sa radyo, nakikita sa telebisyon, at kung anu-ano pang bunga ng sibilisasyon. Mabilis nga talaga ang biyahe ng dyip; kung di ka sasakay dito kahit angkas lang, sori ka nalang, maiiwan ka talaga.
“Ang buhay ay parang isang pelikula”,  ika nga sa kasabihan. Hindi ko talaga ma-gets yung kabuluhan ng kasabihang ito. Malabo kasing maikumpara ang buhay sa isang pelikula eh (bakit, ang buhay ba may scriptwriter? cameraman? make-up artist? utility? lights at audiomen? Wala, diba?), pero hindi ko na yun pahahabain pa, gugulo lang lalo ‘tong takdang-aralin ko. Magulo na nga eh.
Tutal nabanggit ko narin ang salitang ‘pelikula’, eto ang pag-usapan natin,, ang independent films, o para sa mas maikling katawagan, “indie”. Siguro nagtataka kayo bakit hindi yung mainstream’ o yung mas commercialized (parang yung My Little Bossings nung nakaraang pasko na puro lamang cough syrup, pancit canton, sabong panlaba ang itinakbo ng kuwento.) wag na kayong umangal, wala na kayong choice, hindi rin naman kayo kikita kung magiging choosy pa kayo.
Tulad ng sandamakmak na Pilipinong nagkukumahog sa araw –araw na buhay, hindi ako masyado nagkakaroon ng oras manood ng pelikula, (mas lalo na yung sa mga sinehan sa mga malls at kung makikita mo ang mga pinapalabas nila, baka maintindihan mo rin), kung makanood man, tsambahan nalang. Sa pagkakatanda ko, ang huling pelikula na napanood ko ay Scorpio Nights, ay hindi pala (pasensya na, wag nyo ako babatuhin ng kamatis ah.) Dahilan kung bakit pinangarap kong makapasok sa IAFT (International Academy of Film and Television) Filmschool, makagawa ng makabuluhang pelikula, at makadalo sa Cannes Film Festival noong bata palang ako. Syempre, hanggang pangarap lang ‘yun.
Pero bumalik tayo sa ‘indie’. Kung ang mainstream cinema sa ‘Pinas eh, kinakain lang ng mga endorsements, nababalutan ng ka-sosyalan ni Anne Curtis at masasakit na mga biro ni Vice Ganda, ibahin mo ang eksenang ito., hindi ito papalag sa mga pelikulang tumatakbo lamang ng 1 at kalahating oras at ginawa lang na nasanay sa parehong pormula— (i.e. kabit vs. legal na asawa, napaka-karaniwan na ‘di ba? Kaya andaming mag-aasawa ang hindi man lang umaabot ng 2 years, hiwalay na agad. bumubunga lamang ng di-magandang epekto sa mga nagsumpaan at kinasal sa simbahan at sa harap ng altar.) Gayunpaman, marami pa rin namang mainstream movies na makapagpapasaya ng puso o kukurot sa damdamin at isip ng mga tao. Eto ngayon ang problema: hindi yun bebenta.  Wala akong kontra sa mga pelikula ng GMA Films, Star Cinema, Regal, VIVA, Seiko (teka, wala na pala yun)  at kung anu-ano pa. Alam kong hindi rin madali gumawa ng pelikula  hindi rin madali mag-produce, trabaho rin yan eh; hindi pala trabaho, negosyo. Pero may pagkakaiba parin ang negosyo sa page-entertain sa tao.
Hindi ako direktor o kritiko pero nakakasama rin pala ng loob na tinatawag na “low-budget” ang mga ganitong pelikula, mas angkop ata ‘yung katawagang “D.I.Y. (Do-It-Yourself)”, at “underground”  kasi kahit sabihing hindi pulido ang mga kamerang ginamit (yung iba nga handheld lang eh), solid parin yung finished product. Mas lalo namang nakakadismaya yung sabihing tungkol lang sa kahirapan ng pinoy, basura, gay-oriented at ang pinakamasakit sa lahat na ang indie films daw ay puro lamang slum areas. Pero sa kabila ng mga masasakit na punang ‘yun, humahampas pa rin ang independent cinema; ayaw mo maniwala? Manood ka ng mga film entries sa Cinemalaya Film Festival, o kaya i-Google mo.   
Ika nga ng beteranong aktor na si John Arcilla, na nakilala sa pagganap kay Virgilio Delos Reyes sa pelikulang Compound noong 2006, (Kung tatanungin nyo ako kung tungkol saan ang kwento, basta inspired sya sa pagbomba sa isang mall sa EDSA nung taong ‘yun at pagkakakulong ni Dennis Roldan noong 2004 ,ayon sa direktor na si Will Fredo. In short, puro kidnapan at mga terorista) “Sana mas maging matalino na ang audience para wala nang pumatok na panoorin na hindi naman nakakadagdag sa kamalayan at pagtalino ng tao para harapin ang totoong buhay”, oo nga naman.  “Yung influence kasi ng Western culture eh malakas na mas gugustuhin ng mga taong manood nalang ng foreign films kesa manood ng sariling atin.”, dagdag ni Will Fredo, isa sa mga founder ng HUBO Productions, isang independent filming production team na naglabas ng mga malalalim pero ‘hard-hitting’ na mga produkto gaya ng Compound, Il Nomine Matris, at ang melodramatic na sa Pagdapo ng Mariposa (The Caregiver).
Ang sitwasyon kasi ng film industry natin, pati narin ang art, literature, print, at record industry ay parang tortang talong na hindi na-torta dahil sa ginagalaw imbes na hayaan lang hanggang sa maluto nang buo sa kawali. Ang resulta? Durug-durog nang naluto; yung iba, dumikit sa kawali, yung iba naman kalat-kalat kainin, nasunog pa, pero iisa lang din naman ang pinanggalingan nun. At ang masaklap, wala nang ingredients na pangluto pag nabitin.
Mahirap gumawa ng isang indie film. Lalo na kung hindi kumpleto ang kagamitan mo at kulang ang tao na magsisilbing ‘crew’ sa set. Hindi rin ganun kasigurado ang isyung pinansyal, uulitin ko: wala ‘tong segwey-segwey ng kung anu-anong produkto. (Yung Ang Babae sa Septic Tank, Kimi Dora, at Here Comes The Bride na sinasabing independent, katarantaduhan ‘yun. Mas mako-consider mo pa yung Six Degrees of Separtion from Lilia Cuntapay at Bwakaw kesa dyan sa tatlo.) Maski sina Peque Gallaga, Lino Brocka, at Brillante Mendoza, ay dumaan din sa puntong ‘yan.
Sa ibang dako naman, ang idol ko at lav na lav kong si Lav Diaz— na ngayon mas humataw pa sa pelikulang Mula Sa Kung Anong Meron Noon (na umabot sa anim na oras, isa sa mga elemento para manalo ng Golden Leopard Award sa Locarno International Film Festival) ay kilala sa kanyang eksperimental na estilo. “Malaya ako. Malaya ang mga pelikula ko. Pinapalaya ko ang mga ‘yan. Ang pelikula ang nagpapalaya sa atin. Hindi ako preso ng mga dalawa o isa’t kalahating oras na pelikula. ang pagkahon ng mga gawa ko sa bentahang industriya ay isang kahibangan. “ ilan lang sa mga prangka nyang hirit sa isang interbyu sa pahayagan.
Dahil indies narin ang pinag-uusapan natin, narito ang mga iilang tato ng independent filming, base sa pagkakaobserba ko:
·         Malalalim na dialogues o mas malalalim na idiomatic expressions- yun ang isa pang appeal ng indie. Para ipamulat ang isipan ng direktor at mga artista, na dapat ay malalim mag-isip dahil ang art ay malalim. Wag nyo itong irerekomenda sa mainstream, magiging over-acting ang dating. Nagmumukhang “artsy fartsy”, ika nga ni Joel Torre.
·         Prostitute. O para maka-Pilipinong dating, pokpok. Ano nga ba ang silbi ng mga tsiks sa nasabing pelikula? Syempre, pampainit ng mga eksena para sa mga mahihilig na lalaki, ‘kahirapan nga ng pinoy di ba’? iba lang ttalaga siguro and dating ng isang pelikula pag maraming tsiks. Syempre, kung merong prosti, meron ding…
·         Call boy. Male counterpart ng prosti, yan ang indie cinema, na natutuloy sa…
·         Gay scenes. Importanteng may “gay element”. Eto ang pinaka-trend ng indie films sa market, lalo na dito sa Pilipinas. Pag eto’ng ginawqa mo, tiyak na bawing-bawi ang lahat ng gastos mo, tanungin mo pa si (bleep). Ewan ko rin kung bakit. Siguro kasalanan ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros..
·         Love scenes (o bed scenes, angal nung propesor ko). O mga mas malalim pang mga eksena, ayoko nang dagdagan, baka banatan ako ng mga taga-MTRCB.
·         Taong grasa. Depende sa kuwento, da best sa role na ito si Lou Veloso at Ronnie Lazaro--- pano maging taong grasa? Sa turo ng idol kong si bayaw Jun [Sabayton, Jr.], carbon paper at mantika, o tubig lang ang kailangan.
·         Subtitles. Para naiintindihan rin ng mga manonood, sakaling makapasok sa international scene.
·         Amateur handheld camera. Uy, hindi naman lahat. Kung tipong pang- documentary at thesis films lang, siguro.  Tulad ng “The Gap” ni Karl Porio para sa IAFT Filmschool, da best yun (pero hindi nga lang handheld ang gamit, full set nga yata.)
·         Di-kilalang personalidad. Kadalasan. “Raw Talent”, ika nga. Kung mga taga-teatro, pwede rin. Pero, sinasamahan parin ng iilang mga beteranong aktor at aktres para tumatak sa isang pelikula, lalo na kung baguhan din ang gaganap na bida.
·         Slum areas. Para realistic ang dating ng set. “Pornography of poverty” o “poverty porn”, ika nga. Kung kahirapan lang din ng pinoy, ang ibabansag, ito ang magsisilbing naglalagay ng ‘reyalidad’ sa isang indie film..
·         Cameos. Pinakapaborito kong indie ay yung “Rakenrol” ni Quark Henares, mga aktwal na bandista ang nag-cameo tulad nina Mikey Amistoso (Ciudad), Diego Castillo (Sandwich), Mong Alcaraz (Chicosci, Sandwich), at iba pang magagaling na banda kagaya ng Urbandub..
Dagdag lang: eto naman ang mga ikinatataka ko sa iilang mga ugali ng mga ganitong pelikula (o sige isama narin natin ang mainstream para lahat na.)
·         Bakit sa mga bed scenes, may nagyo-yosi pagkatapos mag-anuhan? Okey lang kahit wag nyo na sagutin, baka mabasa ‘to ni Atty. Eugenio Villareal.
·         Yung mga goons (sa mga dating pelikula), balut na balot ng jacket kahit ang init-init? Tapos may tali pa sa ulo. Samantalang mga goons sa foreign films, naka-corporate attire pa, papatay lang yun ha. “Dress to kill” talaga.
·         Bakit yung mga pulis, kapag may namatay na importanteng karakter o yung bida mismo, saka lang dadating? Uso na ang trapik nun, ‘tol. Idagdag pa dyan sigaw ng ‘ napapaligiran ka na namin’. Magkakabarilan, pero buhay parin yung salarin.
·         Bakit yung karamihan sa mga ganitong pelikula, maraming eksenang nakatunganga lang ng ilang oras at parang malayo ang tinatanaw? Syempre, di mawawala ‘yon. Yun ang nagpapakita ng perspektibo ng isang tao sa buhay nya.
·         Yung eksenang hahantong na sa bed scene, bakit gumagala yung kamera? Ba’t ayaw nilang i-dissolve nalang yung scene, kung hindi naman ipapakita? Pasensya na po, MTRCB, last na po talaga.
·         Bakit nakatitig lang yung mga artista ng ilang oras na wala namang ginagawa? “Punyeta, pa’no tayo mananalo ng Cannes nyan?”
·         Bakit yung mga independent films, yun pa yung humahampas sa international scene? Hindi na ‘yan kailangan pang ipaliwanag, gets nyo na.
Tulad nga ng sinabi ko kanina, mahirap gumawa ng pelikula, mainstream man o indie, matrabaho talaga ‘yan; pero kung mahirap ang gumawa, mas mahirap naman ang manood, kasi sila ang magiging basehan kung maganda ba o hindi ang ginawa ng isang direktor. Pero kung gusto nyo talaga, may paraan naman. Lalo na sa panahon ngayon, may teknolohiya na. Si Hayden Kho nga nakagawa ng pelikula gamit lang ang cellphone eh. Ay, iba pala ‘yun.
Bilang sumatotal nito, hindi ko sinasabing bulok na ang daloy ng pelikulang Pilipino, hindi ko rin nirerekomendang gumawa kayo ng pelikulang isang tao lang ang makakarelate, o pelikulang masusuka ka muna bago matae sa sobrang lalim; kundi may nagagawa ang independent films sa pag-angat ng sining natin. Ito ay mga  pelikulang maipagmamalaki ng bansa sa kultura at estetiko. Na ito ay higit pa sa kahirapan, pamamakla, at pagtitig sa kawalan ng ilang oras na parang mga nakaka-depress na documentaries sa TV. Na ito ay mga pelikulang may puso.
Pero anuman ang mangyari, nasa hilig parin ng tao ‘yan. Kanya-kanya paring panlasa ‘yan. Maniniwala ka nalang na madami pang magagandang kwento ang nakatago. Ang tanong dyan: sa’n mo hahanapin?

Kaya sa mga gustong gumawa ng indie film. Gawa na. Direk????

(Cut!!!!!) □








(Isinulat sa ganap na Ika- 10 ng Setyembre 2014, Miyerkules, sa oras na 7:52 ng gabi)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento