Linggo, Nobyembre 2, 2014

Soul in a Bottle: Ang Aking Punyetang Talambuhay

***************************************************

Naiinis ako pag pinapasulat kami sa klase ng talambuhay. Hindi naman galit pero wala naman kasing ‘highlights’ ang buhay ko. Para lang ‘yun sa mga artista, pulitiko, atleta, bayani, negosyante at mga kilalang personalidad. Mga prominenteng tao. Para lang ‘yun sa maraming naiambag sa lipunan, o kaya sa mga inaambagan ng lipunan.

Hindi ko rin alam bakit ito pinapagawa sa eskwelahan. Kaya siguro yung iba nagiging sabaw, yumayabang ng wala sa oras. Tumatanda nang paurong, ika nga ng tatay ko. Dumadami ang nagmamarunong na hindi rin naman nagtatanong, at hindi rin nakikinig. Siguro kasalanan din ito ng teknolohiya? Tamad na nga tayo, bumabaw pa ang mga pag-iisip natin. Pero masyado nang malawak ‘yun kung pagtataluhan pa natin.

Hamon din sa akin ang pagsulat ng sarili kong talambuhay dahil wala naman akong achievement sa buong buhay ko. Importante kasi ‘yun sa ganitong sulatin. ‘Para naman may katuturan’, sabi ng ilang mga mambabasa. Para naman may saysay ang karera mo sa mundong ito, ‘di ba? Awards, recognition, career achievements, mga ganun. Wala naman ako nun. kung meron man ay ‘yung nakapag-aral ako at dun nalang tumanda ng husto. Bukod dun? wala na. Hayaan na nga natin.

Magsimula tayo sa pag-aaral ko. 2001 (7 years old lang ako nun), una akong pumasok ng eskwelahan. Payatas A. Elementary School. Ayos naman. Medyo natatakot ng kontisa nagllistahan ng maiingay, at Math. Nag-aral, kumain, naglaro, nagka-crush, sinundo, na-bully, nag-enjoy—gawain ng isang ordinaryong bata. Wala namang masyadong problema bukod sa sundo, at Math parin. Ganun lang hanggang 2006 (12 years old na), napapasama sa top 10 sa mga klase pero hindi naman malaking achievement ‘yun. Pag nakakasingit ako sa pang-apat, may humihirit pa ng ’bakit di pa ‘yung 1st?”

2007, Batasan Hills National High School. Medyo lumevel-up ng konti. Medyo nakaka-gets na sa buhay. Mas maraming naging kaibigan—hindi ko na iisa-isahin, kilala n’yo na kung sino kayo. As usual, hindi naman mabigat ang mga nagiging suliranin, bukod sa mga singilan sa paaralan ng kung anu-ano, at babae. Dito rin ako nag-attempt na manligaw, kaso puro mga ideyang sablay.

Medyo nakaramdam din ako ng galit, kasi tulad ng iba, naging biktima rin ako ng bullying. Lalo na sa hairline ko. Eh anong magagwa nila, yun ang bigay ng Diyos Ama sa akin? Kala mo kung sinong mga punyeta. Mabuti nalang at may mga kapintasan rin sila kaya nakakabawi rin ako. Lagi akong tinatawanan noon pag umuuwi sa bahay nang nakasumbrero, matakpan lang ang uka sa bandang patilya patungo sa likuran. Dahil doon, bumaba ang self-esteem ko. Pinatay muna nila ako sa hiya bago maka-graduate. Para akong nagself-immolate.

2011, nasa kolehiyo na ako. Hindi ko na sasabihin kung saan at ano. Maraming mga naging kaibigan. InfoTech ang course ko nun. Putek, hindi rin ako tumagal sa mga kadahilanang:

● Low self-esteem epekto nung high school

●Mahal ang tuition, kinaya naman nung una kaso NO PERMIT, NO EXAM. Hassle pa pag hindi mo na-take yung mga exams dahil sa balance, gagaguhin ka muna ng mga staff bago ka maka-take, o bago maka-enroll.

●Pag irregular student ka, sila na ang pumipili ng schedules mo, mapunan lang yung kailangang units sa bawat semester. Bahala ka na kung maiipit yung mga oras mo. Lalo na pag working student ka.

●Internet fee. Alam ko nakakatawang isingit yun para sa inyo. Pero bilang isang IT student, kailangan mo rin ang internet bilang source of information bukod sa mga libro. Lilinawin ko, P500 din yun, ‘tol. Google nga lang, ayaw pa ipagamit?  Ganyan ba kayo ka-desperadong baka mag-Facebook at mag-TubePleasure ang mga estudyante n’yo? Hindi naman siguro.

●May nangmamatang prof at estudyante (hindi ko na ppangalanan kkung sino siya o sila.)

Mid-2012, umalis muna ako sa eksena, nagpalamig. Layo muna sa nakakamatay sa pagod na enrollment at sistema ng dati kong eskwelahang pinapasukan. The same year, nagpasya akong umalis na nang tuluyan. Bumalik man kasi ako baka mawala nalang ako bigla sa mundong ito, nabasag na nga ako sa pressure, hindi ko pa namalayan. Natawa nalang ako dahil kahit pa-exit na ako, ginagago parin nila ako, at ‘yung ilan kong mga kaibigan dun na nagpasya naring lumipat. Yung Dean nga hindi ako pinahirapang matapos yung exit form ko tapos ‘yung Office of The Student Affairs (OSA), Guidance Office, Cashier, at mga Faculty Members, nag-iinaso pa?

2013, nag-register at nag-enroll ako sa National College of Business and Arts (NCBA) o pinalayawang Nakba. Unang sem ko, siyempre kabado. Unaware pa sa environment, naninibago pa. Pero next sems, nasanay na rin ako. Mababait din naman ‘yung mga propesor. Hindi nagtataas ng tuition fees, ma-delay ka manmay exams ka pa rin. I-take mo pa rin dapat. Pag enrollment, sa mga irreg, malaya ang mga estudyanteng pumili ng schedules nila, may required units pero hindi naman sila hawak sa leeg. Walang masyadong pressure. Tinaggap nila ako sa kung paano ako—sa dati kong eskwelahang pinapasukan, halos i-persona non grata nila ako, pero dito sa Nakba, kabaligtaran. Kaya nagpapasalamat ako sa mga NCBA-ians, mula sa mga propesor/faculty members, sa OSA, Guidance, Registrar, Janitors, hanggang sa mga estudyante.

Medyo okey naman ang mga subjects, kahit may tatlong Math sa course ko, okey lang din naman. Siyempre, nagkaroon ng mas malawak na network of friends at dalagang nagpaibig sa akin. Hindi ko na babanggitn kung sino siya pero Jorelyn Cabug, 5-2-5-4 , Cupcake ko.

Maiba naman tayo.

Bukod sa eskwela, nagsusulat, nagdo-drowing, nagpipinta (pag may nag-aya), nagbuo ng banda. Hindi ko rin masasabing raket ang mga ginagawa ko, mahal ko lang talaga. Sa pagsusulat, wala akong sinalihan o kinbilangang mga creative writing workshops o institutions, kaya natatakot parin ako dahil maaari pa rin akong magkamali sa anumang aspekto. Hindi naman ako eksperto.

Nagtatrabaho ang ermats ko bilang isang Food Service Worker sa isang hospital dito sa Quezon City, at hindi ako nadya-dyaheng sabihing siya ang breadwinner sa amin. Yung erpats ko kasi, tumanda nalang na hindi parin mahanap yung dedikasyon niya sa trabaho niya. Sa panahon ngayon, masasabi kong ang dami ring nagkakaganyan. Yung kapatid ko naman, grad na, ComSci, naghahanap na. Proud naman ako sa kanila.
Hindi ko na alam kung ano ang pwedeng isunod dito, kaya ibabahagi ko nalang ang mga aral na para sa akin, hindi lang sa eskwelahan mapupulot. Bukod dun, wala itong Math.

●Mahalin mo at maging totoo ka sa ginagawa mo. Wag kang manatili sa trabaho o gawain na hindi mo naman isasapuso. Pera? Siguro, pero bonus nalang ‘yan. Walang katuturan ang walang pinaghuhugutan.

●Magpakatotoo ka sa sarili mo. Wag kang gumawa ng ayaw mo dahil gusto lang ng ibang tao. Yun yata yung tinatawag na “guilty pleasure” (o mali ako).  Tao ka, hindi ka puppet. Kung wala ka rin namang ginagawang masama at tinatapakan, tapikin mo lang. Pero alamin mo rin kung nasa mataas o mababang antas ang paglabag mo, kung sobra ba o kulang. Nakakasama rin kasi ang dalawang ‘yan minsan.

●Wag magsabi ng problema, liban na lang kung mapagkakatiwalaan ba talaga ang pagsasabihan mo at hindi ka itutulak pababa.

●Wag matakot magsabi ng opinyon. Malaki ang pagkakaiba ng nangangatwiran sa bastos. Hindi ibig sabihin na nangangatwiran, wala ka nang ugali. Ang opinyon ay para sa kahit sino, mayaman ka man o mahirap, gwapo man o panget, may ngipin man o wala. Pero isipin din kung may katututran ba ang opinyon mo.

●Wag manlalandi kung magpupumilit kang mag-ingles kahit maling-mali ang grammar. Seryoso.

●Dapat tanggalin ang mga palabas sa telebisyon na puro mga mag-asawang naghihiwalay dahil sa pangangaliwa. Kaya andaming gumagaya , mga nasisisrang pamilya. Puro kasi kayo pera, pera, pera!

●Balewala ang pagiging matalino kung di ka rin marunong making at magtanong. Hindi lagi ikaw ang pakikinggan, dapat marunong ka ring makinig. Kumbaga sa debate, hindi ka epektib sa batuhan ng mga ideya.

●Pag sinitsitan o sinipulan ka, wag kang lilingon. Tandaan: may pangalan ka. Tao ka, hindi ka aso. Shet sila.  

●Hindi porke’t maraming niligawan, babaero na. Bakit, sinagot ba? Naging mag-nobyo’t nobya ba? Paano kung binasted kami? Paano kung na-mercy reject kami? May puso rin kaming mga lalaki. Marurupok rin kami.

●”Hindi lahat ng bagay nakukuha sa isang tingin, buksan ang ating isipan.” Natutunan ko ito sa isang patalastas sa telebisyon. May isang lalaking muslim ang pinagtitinginan ng mga tao. Nakasandal siya sa kanyang motor, parang may hinihintay, at nagte-text. Iniisip ng mga taong dumadaan sa kanya, ‘masamang tao’, ‘rebelde’. Pero ilang segundo lang ang lumipas, dumating na ang anak niyang sinusundo na niya at pinakitaan pa siya ng mataas na marka. Sana ganun din sa reyalidad ng buhay— hindi tayo pinuputakte ng stereotypes. Luma na ang “don’t judge a book by its cover”, mas angkop yata ‘yung “know yourself first.” Ang mga magaganda sa paningin ay siyang may kahindik-hindik na lihim.

●Wag ipapaaresto ang sarili lalo na kung wala kang kasalanan. □





(Isinulat sa ganap na ika-22 ng Oktubre, 09:09 ng gabi)